Sunday, November 2, 2008

lambong sa dibdib

bakit kung minsan, kahit pa nga ang iyong dibdib ay handa sa kainaman ng pag-iisa, ay dumarating pa rin ang pagkakataong nilalambungan ng lungkot ang dibdib?

bakit kung minsan, kahit pa nga nasanay ka na rin na mabuhay mag-isa ay umaagos pa rin paminsan-minsan ang pangitain ng lumbay? may kung anong kakulangan ang siyang kumakatok sa puso at hindi mawari kung ano at saan nagmula. 

marahil ay sa kadahilanang ang tao ay tunay na nilikha para sa isa't isa. magkakaugnay ang lahat. ang pagdadaupang palad ang pundasyon ng isang buhay na puno ng kahulugan. 

ang linggong dumaan ay puno ng mga pangyayaring nagbibigay ng saya, subalit nagdudulot din ng lungkot. ang kasamahan ko sa bahay at ang kanyang pamilya ay lumipat na ng tuluyan. bagamat halos isang bloke lamang ang layo ay tunay ngang hahanap-hanapin ko rin ang mga tinig na nagmumula sa kanila lalo't higit sa kanilang mga anak. wala na ang mumunting hagikgik na pumupuno sa pitak ng katahimikan sa bahay.

gayundin din naman ay umuwi sa pilipinas ang maybahay ng aking tinutuluyan at mandin ay tila lalong humungkag ang bawat sulok ng tahanan. bakit nga ba parang kulang ang kahulugan ng isang tirahan pag wala ang mga yabag na maririnig mula sa ibang tao sa bahay? nakakabingi ang katahimikan sa ganitong palagay at ang bawat sandali ay parang walang katapusan.

subalit ang higit na lambong sa dibdib na aking napagtanto ay ang mapag-usapan ang kalagayan ng isang kaibigan at malimi ang mga gawing tila baga nawawala ang kaliwanagan ng kaisipan laban sa lukso ng damdaming lubog sa pangungulila. damdaming sinugatan ng pagkakataon, nabahiran ng linggatong na dulot ng isang pag-ibig na naduhagi dahil sa kataksilan.

masama nga ba ang maghangad ng isang pagsuyo? kahit na ang pagsuyo ay maaaring magdudulot ng higit na pagkabigo? dapat nga bang isantabi ang pang-unawang nagbubuhat sa ibang tao at sundin ang mapusyaw na pagkaunawa sa damdamin. suungin ang landas ng pag-ibig at manalangin na pagmamahal ang nasa dulo nito at hindi isang salamangka lamang ng buhay.

ah.. sa mga ganitong pagkakataon ay tila bagang kay-inam na lumuha ang langit at linisin ang lumbay na dulot ng ganitong mga isipin. at pagkatapos ay dadalhin ng hangin ang lungkot na nadarama sa kawalan upang hindi na muling magbalik.





No comments: