Sunday, November 2, 2008

lambong sa dibdib

bakit kung minsan, kahit pa nga ang iyong dibdib ay handa sa kainaman ng pag-iisa, ay dumarating pa rin ang pagkakataong nilalambungan ng lungkot ang dibdib?

bakit kung minsan, kahit pa nga nasanay ka na rin na mabuhay mag-isa ay umaagos pa rin paminsan-minsan ang pangitain ng lumbay? may kung anong kakulangan ang siyang kumakatok sa puso at hindi mawari kung ano at saan nagmula. 

marahil ay sa kadahilanang ang tao ay tunay na nilikha para sa isa't isa. magkakaugnay ang lahat. ang pagdadaupang palad ang pundasyon ng isang buhay na puno ng kahulugan. 

ang linggong dumaan ay puno ng mga pangyayaring nagbibigay ng saya, subalit nagdudulot din ng lungkot. ang kasamahan ko sa bahay at ang kanyang pamilya ay lumipat na ng tuluyan. bagamat halos isang bloke lamang ang layo ay tunay ngang hahanap-hanapin ko rin ang mga tinig na nagmumula sa kanila lalo't higit sa kanilang mga anak. wala na ang mumunting hagikgik na pumupuno sa pitak ng katahimikan sa bahay.

gayundin din naman ay umuwi sa pilipinas ang maybahay ng aking tinutuluyan at mandin ay tila lalong humungkag ang bawat sulok ng tahanan. bakit nga ba parang kulang ang kahulugan ng isang tirahan pag wala ang mga yabag na maririnig mula sa ibang tao sa bahay? nakakabingi ang katahimikan sa ganitong palagay at ang bawat sandali ay parang walang katapusan.

subalit ang higit na lambong sa dibdib na aking napagtanto ay ang mapag-usapan ang kalagayan ng isang kaibigan at malimi ang mga gawing tila baga nawawala ang kaliwanagan ng kaisipan laban sa lukso ng damdaming lubog sa pangungulila. damdaming sinugatan ng pagkakataon, nabahiran ng linggatong na dulot ng isang pag-ibig na naduhagi dahil sa kataksilan.

masama nga ba ang maghangad ng isang pagsuyo? kahit na ang pagsuyo ay maaaring magdudulot ng higit na pagkabigo? dapat nga bang isantabi ang pang-unawang nagbubuhat sa ibang tao at sundin ang mapusyaw na pagkaunawa sa damdamin. suungin ang landas ng pag-ibig at manalangin na pagmamahal ang nasa dulo nito at hindi isang salamangka lamang ng buhay.

ah.. sa mga ganitong pagkakataon ay tila bagang kay-inam na lumuha ang langit at linisin ang lumbay na dulot ng ganitong mga isipin. at pagkatapos ay dadalhin ng hangin ang lungkot na nadarama sa kawalan upang hindi na muling magbalik.





Thursday, October 23, 2008

hapis

ang halimuyak ng mga bulaklak 
ay tila baga nagpapagaan sa damdaming pagod

ang simoy ng hangin kapag may ulan
ay tila baga yakap ng isang iniibig

ang sikat ng araw sa maghapon
ay tila baga ugat ng galak sa dibdib

ang hapay ng mga dahon ng puno
ay tila baga umiindak sa sayaw ng buhay

ang huni ng mga ibon
ay tila baga musikang nagpapa-indayog ng balakang

subalit 

ang umagang walang saliw ng iyong tinig
ang maghapong kulang sa iyong larawan
ang gabing wala ka sa pangitain

ay hapis sa damdamin!

kumakanlong sa pagod na puso
mga luha'y nagkukumahog na mamalisbis sa pisngi

pagdaka'y yumuyupyop ang katawan
upang labanan ang matinding pananangis



Thursday, July 3, 2008

iglap

iglap ang pagdating ng hanging amihan.
mga yakap at halik ay pawang panandalian.

iglap ang pagsamyo sa hatid ng bukas.
mga saglit na pangarap ay kagyat na nagwakas.

iglap din ang pagdating mo sa landas na tahak.
lumingon panumandali at kagyat ng lumayag.

Monday, March 17, 2008

Ang Pagsasanay

May alumpihit sa pagdalo
Sa pagsasanay ng komunikasyon.
Anong kahusayan ang hatid,
Gayung pakikipagtalastasan
ay kaisa na ng dibdib?

Hindi kaya masayang lamang
Ang ginintuang panahon?
Mga dahon ng orasan
Ay tuluyang matapon?

At nagsimula ang lahat
Magigiliw ang nagpasinaya.
Isang Geline, Isang Lesley
May hahanapin pa nga ba?

Tunay ngang nabalot ng
Mga galak, mga tuwa;
Ang mumunting pagpipingkian
Ng kaisipan at ng haraya.

At lumaon ay natapos
Dumating sa hangganan.
Bawat isang dumalo
Ay may nakamit na kahusayan.

Kaya nga ang pasasalamat
Sa isang paraluman ay marapat.
Sana'y muling magsanga
Mga landas ng ating kasanayan.


Note: I created the poem the day before the last training day of the Oral Communication Training conducted by GuthrieJensen for our Company (March 12-14, 2008)